Turnover

Ganito pala ang feeling kapag naiabot na ng Developer yung susi ng bahay.
Nakaka excite na parang gusto kong mag teleport agad sa Pilipinas.


December 20 2017 exactly 156 days ngayon araw na ito ay nai turnover sa amin  ang bahay.

Madami pa kailangan ipaayos gaya ng bakod, bubungan para sa extension at grills para sa mga bintana at lanai at pintura sa loob.


Kailangan rin magsimula na mamili ng mga gamit na ilalagay sa loob.


Nakikita ko na ang pinag hirapan ko.



Sisimulan namin ang masayang pamumuhay dito sa bagong bahay.
Unti-unti , hanggang sa mabuo ang Kubo ng OFW

Bahay is Real !

Finally, I received a confirmation email from Management na tapos na daw ang bahay ko.
Hinihintay na lang nila na maikabit namin ang mga pintuan sa Main Door, Terrace at Kitchen.


After nito ay turnover ceremony na.


This is real na talaga, may bahay na ako.


Alam ko na ito ay simula pa lamang ng panibagong gastos, magpap bakod
Magpapa grills ng mga bintana, magpapa extend ng bubungan sa may Lanai papunta sa gilid ng grahe, at magpapa pintura sa loob ng bahay.

Wala pa rin mga cabinet sa kusina at sa mga kwarto.


Malaki pa ang magagastos ko, alam ko naman yun.
Pero yung excitement na nakapag patayo ka ng bahay mula sa pinag paguran mo ay hindi kayang I-explain in 1 sentence lang.


Hindi malaki ang sweldo ko, inabot ako ng 10 years sa abroad bago nakapagpatayo ng bahay.


Ilan nga bang masasarap na buffet ang aking tiniis para lamang makatipid.
Ilan pasko ang hindi ako umuwi sa Pilipinas para lamang makaipon?
Ilang taon na nga ba ang mga damit ko na ginagamit pamasok sa opisina at pambahay, ang hindi ko mapalitan kahit butas-butas na at may mga tastas na ang tahi?
Lahat ito ay tiniis ko para makapag ipon, para matupad ang pangarap ng aking ina na magkaroon kami ng sariling bahay.


Yung walang magagalit kapag may pinabago, walang magsasabi na inaangkin namin ang bahay.
Walang kapatid or tyahin, tyuhin at mga pinsan ang magsasabi na may karapatan din sila sa bahay.



Ngayon, masasabi ko na ito ay akin, amin lamang ng pamilya ko.

Ito ang Bahay ko.

ang Kubo ng OFW.

Day 82

Maulan ang maghapon, pero hindi ito naging hadlang upang dalawin ang bahay.
Hindi nakasama ang dalawang bagets dahil may kani-kaniyang lakad.
Niyaya ni mama si ate Gelyn, bibili rin kase sila ng ilang kaban ng bigas para sa darating na Undas.


Naka tiles na ang bawat baitang ng hagdanan.




Malamang ay isusunod na ang paglalagay ng Vinyl sa 2nd floor.

Nakakatuwang kausap si Mama, ang dami na agad naiisip na plano para sa design ng balkonahe.
Pati sa dirty kitchen, kung anong canopy ang maganda at kung anong materyales ang gagamiton.

Excited sya kesa sa akin.

Magandang motivation din ang bahay na ito para kina Raisa at Renart.
Ramdam ko ang excitement nila para sa magiging bagong bahay at kanilang kwarto.

Ilang linggo na lang ang bibilangin at matatapos na ang Kubo ng OFW.

 
nakakapagod ang maging OFW,
pero kapag nakikita ko ang mga larawan kagaya nito,
napapangiti na lamang ako sabay sambit ng " for Motivation ! "


Day 75

Maaga pa lang ay tinuruan na ni Raisa si Mama kung paano gamitin ang camera ng iPhone.
Although kasama naman si Renart papunta sa bahay, nagsiguro na rin si Raisa na maturuan si mama, incase nga naman na magka aberya.


Around 2pm, nag message ako sa 2 bata kung nakapunta na ba sa bahay.
Pareho silang di nag reply, siguro ay hindi pa nakakabalik kaya walang wifi.


Around 5pm, nag message si Raisa na dumating na daw si Kuya nya at si Mama.


In few minutes lang, pumasok na isa-isa ang mga pictures.


Masasabi ko na halos 70%  ng bahay ay gawa na.




Naka tiles na ang 1st floor.




Nilalagyan na rin ng tiles ang mga toilet, sa 1st floor at sa 2nd floor.


 




































Kita ang excitement kay Renart.


Sa mga kwento nya about sa paligid ng bahay, sa clubhouse at maging sa magiging ayos sa garden.
Talagang iba pala yung feeling kapag sarili mo ang bahay.






Konting kembot na lang at matatapos na ang Kubo ng OFW.


Day 65

Sobrang bilis ng araw, halos 2 months na rin ang nakakaraan nang simulant ang construction ng bahay ko.


Kasama ni Mama si ka Paeng at Mrs nito na nagpunta sa ginagawang bahay.


Dala-dala nila ang mga hamba para sa 4 na pintuan na napagkasunduang kami ang magpu-provide sa pinto at hamba.


Maganda na raw ang bahay, naaayon sa feng sui na ipinayo ni ka Paeng.


Pinakiusapan ni Mama ang 1 admin staff na kunan ng picture yung bahay.


Okay na sana ang lahat ng makita ko ang nakakagulantang na images.





For Window Type Aircon ang butas na nilagay nila sa bawat kwarto.
Yung nasa request ko ay Split Type Aircon ang ikakabit, pero mali ang ginawa nilang butas.
Maaayos pa naman daw ito ayon dun sa foreman, pero hindi ko maintindihan kung bakit sila nagkamali samantalang before pa magsimula ang construction ay may listahan na ako ng mga request at pinapirmahan pa nila ito sa akin.


As usual, nag send na naman ako ng email kay Ms Rizza.
Ipinaliwanag ko na rin sa kanya yung tungkol sa Master's bedroom door.
Ipapakabit na rin daw yun, since nakausap na ni Mama yung foreman at naipaliwanag kugn saan ipu pwesto ng pintuan, basta hindi pwedeng katapat ng hagdanan.


Kanina lamang ay tinawagan ko si Ms Rizza, titingnan daw nya ang request slip ko at iche-check kung bakit nagkaroon ng miscommunication.


Tamang tama rin naman na nabasa ko ang message sa akin ni Rochelle, Manager ng Metrobank.
Pina follow up na nya ang LOG (Letter of Guarantee) para daw mai process na ang loan sa banko.
Minamadali na nya para umabot daw ako sa promo nila na mababang interest rate.


Nakaka stress magbahay. Pramis !









Hamba

Naka receive ako ng email mula kay Rizza, admin sa subdivision.


" Hi Ma'm,


 Good day !!


Request na po naming ang Jamb for the following:
1. Maindoor: .90x210
2. Service door: .80x210
3. balcony door: .80x210


Please deliver on or before Sept 25, 2017


Thanks,
Rizza "


Agad-agad akong tumawag kay Mama para maihanda ang Hamba.
Pupuntahan nya daw si ka Eboy sa Halang, dahil dun ito ginagawa.

Thursday ng hapon, dinala sa bahay ang mga hamba.
Akala ko buong pintuan na ang ikakabit, ganito pala ang itsura ng hamba.




Apat na Hamba para sa Main door, Kitchen door, balcony at Master's bedroom.
Ang ibang pintuan gaya ng toilet at mga common room ay ang developer na ang bahala.




Pinalagyan ng Solignum, ito ay isang klase ng wood preservative upang hindi anayin ang kahoy at pasukin ng bukbok. Mas mainam na gamitin ang Solignum kesa sa Malathion.


Mas nagkaroon ng buhay ang kahoy matapos itong malagyan ng lason.


Ang Yakal ay matigas na kahoy, mainam gamitin sa pintuan, hindi ito basta nasisira, di hamak na mas matibay kumpara sa nauuso ngayon na bakal na hamba.


Nakaka excite, madami akong natututunan.


Ilang tumbling na lang at magkakaroon na ako ng sariling bahay.











Missing Lanai

3 September 2017


Day 49


Maaga pa lang nag message na sa akin si Raisa na pupunta daw sila sa bahay.
This time, hindi makakasama si ka Paeng dahil may lakad daw ito.


Around 1pm, nag send si Raisa ng mga pictures.


May 2nd floor na ang bahay !


Masyado ba nilang minamadali?
Hindi pa ako ready para sa turnover ng bahay.


Isa-isa kong tiningnan ang bawat litrato na ipinadala,
hindi pala ganun kalaki ang bahay.
Marahil ay naninibago lamang ako dahil nasanay sa malawak na bahay sa baryo.


Hinanap ko ang picture kung saan makikita ang Lanai.

WALA.

Pader na ang dati'y kinalalagyan nito, wala ang pintuan kung saan dapat ito ay ililipat gaya ng napag usapan sa plano nung nakaraang buwan.


Para saan ang abang ng ilaw sa labas?
May nakaabang sa labas para sa ilaw, pero walang pintuan , puro pader lang.



" Ay nasaan ang pintuan ng Lanai?" tanong ni Mama.



Kumusta naman ang itsura ni Mama, animo'y naghihintay sa paglabas ng Portal na magbubukas ng lagusan papunta sa Missing Lanai.


Mukhang mapapatawag na naman ako sa Office ng Developer nito bukas.





Rules is Rules

19 August 2017


Nasa bahay si Ka Paeng, nakikipag usap daw sa mga 'unseen creatures" about sa ipinapagawang bahay.

All goes well daw naman, wag daw mag alala at kahit na meron magkakatapat na pintuan sa ginagawang bahay, magagawan nya daw ng paraan para maitama ito.


"Wala kang ipag-aalala Ineng at kausap ko ang mga kaibigan natin, nakabantay daw naman sila" si Ka Paeng, nakakausap daw nya ang mga nilalang,


"Ma, Saturday lang ngayon, baka hindi kayo papasukin sa subdivision. Di ga pag sunday lang daw pwede pumasyal para tingnan ang construction" mahaba kong paalala kay Mama


"Ay sus, ako na ang bahala. Makakapasok kami" may attitude din minsan ang Mama ko,


11:54 am  nag message ako kung asan na sila.

Walang reply.


Naisip ko baka walang data si Raisa at mamaya pa yun magse send ng pictures kapag nakabalik na sa bahay.


1:59pm
Nag message si Raisa.


"Di kami pinapasok, nabwisit lang si Mama " sumbong nito

Tinawagan ko sya sa facetime, nakipag gilgilan pa daw si mama na papasukin sila eh hindi nga daw pwede.

May merienda pa naman daw silang dala-dala para sa mga construction workers, iniuwi na lang nila.

Lesson learned : 


Sumunod sa Rules.
Kapag sinabing Sunday lang pwede pasyalan ang bahay,
Sunday lang pumunta.






Di bale, nagka softdrinks naman sila.





Friends will always be there

17 August 2017


2:16 pm


I recieved a message from Gigi,  my classmate in College at UE Recto.




SM Lipa will assist me on the decor for my house !


Si Gigi ay kaklase ko sa UE Recto noong College.
I was taking up AB Political Science that time, at kahit na halos 2 dekada na ang nakakaraan,
nanatili parin ang aming pagkakaibigan kasama ng iba pa namin mga kaklase.


Indeed, Life is a Journey.


Yung mga tao na nakasama mo noon, ay maaring makasalubong at makasama mo ulit pagdating ng panahon.


Friends will always be there when you needed them. It's True.


Nadagdagan na naman ang excitement ko.



BFF goals

Saturday 12 August 2017

6:19pm


Naka recieve ako ng message sa Facebook mula kay Mareng Sarah.

Ilang litrato ng aking bahay




Nakakatuwa yung feeling na mas excited pa sa 'yo yung kaibigan mo para sa ginagawang bahay.


Agad akong tumawag sa kanya at nagpasalamat.


Magsu swimming daw sana silang mag-iina sa club house, pero hindi pinayagan yung pamangkin nya
na sumama dahil may pasok kinabukasan kaya't hindi na lang sila tumuloy mag swimming.


Gaya ng dati, kinopya ko ang mga  larawan para ma i-save sa aking external harddsik.
Para ito sa album ng bahay na gagawin ko.


Natatawa sa akin si Dex, dumali na naman daw ako, puro bahay na naman ang bukambibig.


Paano ba magpigil ng excitement lalu na kapag nakakatanggap ka ng mga litrato ng bahay mo,
bahay na pinagpapaguran mo para lang matapos na maayos at maging kumportable ang pamilya mo pag tumira dito.

Ilang overseas trip na nga ba ang kinansela ko?

Ilang damit ang hindi ko binili, kahit gutay-gutay na mga pambahay na isinusuot ko?

Ilang buffet ang tiniis kong wag puntahan para lang makatipid dahil sayang, pandagdag na rin sa appliances sa bahay ko.




Mahirap bang intindihin yung salitang " excited " ?!






Lanai

11 August 2017


After a week long discussion and sending emails here and there, finally na approved din ang request ko na mai-relocate ang Lanai.




Alam mo yung feeling ng pumutok ang pigsa at nakalabas yung mga nana at dugo?
Ganun, ganun na ganun ang pakiramdam ko nung matanggap ko ang email from Ms Rizza na approved yung request ko na ipalipat na lang ang Lanai sa original location nito.


TGIF talaga ang araw na ito.




Feng Sui

7 Aug 2017


Lunes na Lunes, binalikan ko ang mga pictures kahapon.

May parang mali.


Hindi parang...talagang may mali.


Yung pintuan ng kusina at toilet , nakaharap sa Lanai !

OMG !
Hindi ako magkaintindihan sa pag edit ng picture para maipadala kay Raisa.
Kailangan kako nya maipakita ito sa mama.




Hindi maaring magkatapat ang pintuan ng kusina, toilet at lanai.

Ayoko mamatay ng maaga, ayoko malasin at maghirap dahil sa mga pintuan na ito.
Bakit ba naman kase hindi ako binigyan ng kopya nung plano ng bahay.
Hindi ko tuloy nakita at napansin na yung lanai pala ay mapapatapat sa pintuan ng kusina at toilet.


"Ma, puntahan mo ang Management Office, magkatapat ang Lanai at pintuan ng toilet at Kusina"


Nataranta rin si Mama, hindi daw nya napansin yun.


Tumawag ako sa Management  at sinabi ko na kung pwede ay itigil ang construction.
nagulantang sila, bakit daw ipapatigil?!


"Magkakatapat yung pintuan ng Lanai, Toilet at Kusina, hindi pwedeng mangyari iyon !"
sagot ko kay Ms Rizza. Mukhang nagulantang rin sya sa utos ko.


Ikaw ba naman ang ipatigil ang construction, ewan ko lang kung di ka magulat di ba.


Kausap ko pa si Ms Rizza ng sabihin nito na andun na rin daw sa Office nila si Mama,
Hala, pagtutulungan na ba naming si Ms Rizza? hahahha


Kausapin nya kako si Mama dahil ipapaliwanag sa kanya na mali ang position ng Lanai,
si mama na bahala mag explain ng gusto kong mangyari-
 ang ilipat ang Lanai.


Di pa ako nakuntento, nag email na rin ako sa Management ng Subdivision.
Kailangan ilipat ang Lanai dahil hindi maaring katapat nito ang pituan ng Kusina at toilet.
Nakailan tawag rin ako sa Management para siguraduhin na gagawin nila ang gusto ko.


Iba na yung naniniwala sa Fengsui, wala naman mawawala kung susunod dito.
Kesa naman kung kelan nakatayo na ang bahay ay saka ipapabulwas para maitama ang mali sa ayos nito.







Day 19


6 Aug 2017


19 days of Construction


Eto na halos ang itsura ng bahay.






Masyado ba silang nagmamadali?

May pundasyon na agad at mga pader.

Isa-isa ko na naman pinanood ang iilang pictures na pinadala ni raisa.

Nag imagine kung anong interior design ang magada sa loob.

Nagku kwenta kung magkano ang kailangan na budget para maging presentable ang bahay.


Hanggang sa nakatuluigan ko na ang pagku-kwenta.



Araw ng Pagbubuhos


24 July 2017


Di ko na matandaan kung anong oras ako nakatulog kagabi,
kakaisip sa scenario na mangyayari sa unang pagbubuhos sa bahay ko.


6:32 am pa lang nag message na ako kay raisa na samahan si mama at mag picture sa kung anong gagawin sa bahay lalu na yung pagbubuhos.


"Damihan mo ang anggulo ha, may malapit, malayo. Basta damihan mo ang picture" bilin ko sa kanya.

6:58am tumatawag na ako, hindi nya kase sinasagot ang message ko. naatat lang bakit ba.


7:29am ng mag reply si Raisa
" Kararating lang namin, mamaya ko ise-send mga pictures"


Halos wala pang 30 minutes, aalis na daw sila sa site.

Mainit daw at wala naman sila ng ginagawa.
Tapos na sa pag-aalay si Ka Paeng.


Nakita ko ang picture nung mga manok na nakabitin ng patiwarik.




"Grabe, daig pa ang binitay nyan ah" pabiro ko kay Raisa
"Ganun daw talaga, para tumulo lahat ng dugo sa poste" paliwanag daw yun ni ka Paeng


Kailangan mapatuluan ng dugo ang bawat poste ng bahay para daw tumibay.


"Eh yung mga barya, asan?" tanong ko sa kanya
"Mukhang ibinaon nila sa lupa, or ibinuhos sa mga poste" di daw nya Makita kase hindi sila pinalalapit at delikado, baka mahulog sa mga hukay or madulas.


Nag-aalala kase ako na baka kunin ng mga trabahador yung barya.
Pinagbilinan naman daw ni ka Paeng yung mga tao na wag kukunin dahil ang mga iyon ay alay.
Na mamalasin at magkakasakit kung sinuman sa kanila ang magtangka na kumuha ng mga barya at mga abubot na inilagay nya.


Sana naman nakikinig nga sila.
Iba kase kapag pera na ang nasa harapan mo, minsan hindi natin napipigilan ang tukso.


Well this is it !
Magkakabahay na talaga ako.


Sinisimulan na ang Bahay Kubo ng OFW



Checklist

July 23, 2017


Hindi ako magkamayaw kakatawag kay Mama sa facetime.


" Yung mga barya? Tig lilimang piso ba or tig-sa sampung piso?" tanong ko sa kanya
"ala, basta bariya, ayos nayon" si mama, habang nagbibilang ng barya

Paulit ulit ko nire-remind kung kumpleto na ba ang barya na gagamitin bukas.
"Kainaman ka na, paulit-ulit, unlimited?" nakisagot na rin si Raisa.


"Yung mga manok na puti, buhay pa ba? "
Papatayin ang mga manok at yung dugo ay papatuluin sa mga poste ng bahay.


"Baka naiinitan sila at hindi maka survive hanggang bukas ng umaga" paalala ko sa kanila
"Wala tayong aircon , alangan naman lagyan naming ng electric fan para maging kumportable sila? " pabirong sagot ni Raisa


" Si Ka Paeng, anong oras susunduin?" pakulit kong tanong kay Mama
"ay di sa umaga bago mag 8am andun na kami sa harap ng bahay" busy pa rin sya sa kakabilang ng barya


"Sigurado ba na hindi mananakaw yung ilalagay na barya at mga abubot ni Ka Paeng?" worried lang ako na baka nakawin ang mga barya at mga ilalagay na pampaswerte sa bahay.


"May bantay yun na ilalagay at alam naman ng mga construction worker na alay yun, mamalasin sila pag ninakaw" paliwanag ni Mama.

"Nene, lahat ba kayo sasama?" tanong ko muli kay Raisa
"May pasok si kuya, kami na lang ni Mama Ida" sagot nito.


Alam ko natutulilig na si Mama sa mga tanong ko,
bakit ba eh sa excited lang eh.
Minsan lang ako magbabahay, ayoko naman na pumalpak pa ito.


May checklist ako na sinusunod, mahirap ng pumalya, ayokong maghirap at malasin dahil sa bahay na ito.


Fifteen thousand pesos na barya,
ganyan karami ang ilalagay bukas sa mga poste ng bahay ko.




Siguro naman sa daming barya na ibinaon sa bahay,
kahit papaano hindi na kami basta maghihirap ano?



Layout

July 17, 2017


So this is the 1st day of my House Construction.


7:52am pa lang nag message na ako kay Raisa kung kasama sya ni mama.


" Mamaya pa, sumunod na lang daw ako e ng 10" sagot nya.
"dali na at baka mainit na mamaya dun"
"sabihan mo si mama wag muna makipag-usap basta-basta sa mga kapitbahay, baka akalain nila mayaman tayo or whatever" paalala ko kay Raisa na sabihin kay mama.


10:15am
Nag message ako, aba walang sagot.

Dedma.


11:24am


Finally, may mga litrato na isa-isang pumapasok sa messages ko.


Alam mo yung feeling na super excited ka makita ano yung itsura ng tinatawag nilang
Ground Breaking.

Tapos makikita mo sa picture ay eto...




Ayan, nabungkal na lupa.


Ganun pala ang ground breaking, bubungkalin lang ang lupa.
Akala ko naman may mga ribbon cutting eklavu, yun pala ganyan lang.


First timer eh, pasensya naman.





Kape

 April 24 2015


Ipinasundo ako ni Mareng Sarah sa kanyang driver para makapunta sa SM Lipa.
Magkape daw kami, since pabalik na ako bukas sa Singapore, mag bonding daw naman kaming dalawa.


Lulan ng Innova, dumaan kami sa bahay nya sa Lodlod Lipa City, bitbit ang ilang pinamili na iniiabot sa akin para madala ko daw sa Singapore in case na nami miss ko na ang purefoods corned beef.


Since likod lang ng SM ang LTO, dinaanan na muna namin si mama. Isasama na namin sya para makapamili na rin kami ng mga dadalhin ko pabalik ng Singapore.


Habang daan ay naikwento ko kay mareng Sarah ang naging lakad ko kahapon sa Base View Homes. Nagbabalak kase ako na bumili ng lote sa subdivision na iyon, may iniaalok sa akin pero ang layo na nya sa main gate. Halos likuran na ito at 10-15 mins ang byahe palabas ng subdivision.


"Mare, gusto mo tingnan ang bahay ng kapatid ko, maganda rin yun, sa may Fiesta Mall lang" aniya


"Anong subdivision un, baka naman magulo" balik ko na tanong sa kanya.


"Maganda dun, may guard sa gate at di basta pwede pasukin ng kahit sinong bisita pag wala kang go signal sa mga gwardiya" mahaba nyang paliwanag.


Nag kwento na sya about sa tinitirahan ng kanyang kapatid, naki sagot na rin si Mama. Alam nya pala ang subdivision na iyon, lamang ay hindi pa nya napapasok.


isa itong Exclusive Subdivision.


Pagpasok pa lamang sa gate ay tinanong na ang pangalan ng pupuntahan namin, kinuha ang lisensya ng driver at saka kami pinapasok sa gate.


Mukhang bago pa ang subdivision, makikita na iilan pa lamang ang nakatayo na bahay.


"Daanan natin c Lovey, yung agent ng kapatid ko, check natin kung meron mura." si mareng Sarah, nagyayaya sa bahay ng ahente.


"Oo nga, baka may mura-murang house and lot kaysa dun sa Base View na lote laang" sang ayon naman ni mama.


Nakarating kami sa bahay ng ahente na si Lovey.


Maganda ang landscape sa harap ng kanyang bahay, maliit lang ang bahay, o di lang talaga ako sanay sa ganung klase ng lote since malalaki ang kinatitirikan ng bahay namin sa baryo.


Inalok kami ng iba't-ibang house and lot, pero ayoko.
Wala ako sa mood bumili ng bahay at lupa, unang una na ay hindi naman ako titira sa Pilipinas.
Wala akong balak na mag retiro at umuwi sa bansa kung saan walang kasiguruhan ang aking kinabukasan.


Bilang OFW na single mom, mahirap ang may hinuhulugan na property, baka hindi ko ito matapos at masayang lamang ang aking naihulog.


"Mas maganda na ang may hinuhulugan ka, wala kayong sariling bahay mag-iina. Iba yung may sarili kayo. Dumating man ang panahon na mangailangan ka ng pera, maari mo itong mabenta" payo ni mama.


"hindi ko nga kaya ang mag monthly, ayoko ng may utang." sagot ko sa kanya kaharap si mareng Sarah at Lovey.


"mare iba ang may investment na property, kung ayaw tirahan ng mga anak mo, maari mo itong paupahan" si mareng Sarah.


"madam, iba ang may sariling property, mas ok umuwi sa sariling bahay. Pwede mo itong parentahan for investment nasa city po itong subdivision, madami ang uupa" pang hihimok ng ahente,


Gusto ko na syang sagutin na syempre yan ang sasabihin mo, ahente ka eh. Kailangan mo ng sales. Ayoko talaga bumili ng bahay, aanhin ko naman yun. Gusto ko pa ipamasyal na lang sa iba't-ibang bansa ang aking pera na kikitain. Mai enjoy ko pa at ng mga anak ko.

Aanhin ko ang bahay na hindi ko naman matitirahan, sino makikinabang?
Eh kung magtu tour ako, na enjoy ko na, nakarating pa ko s iba't-ibang bansa.
Sabay irap ko sa kanilang tatlo habang sila ay nagdi diskusyon tungkol sa mga available pa na lote,


"Magkano po ba ang kaya nyo ibayad monthly?" tanong ni Lovey


"10 thousand pesos, meron ba kayong ganun?" alam ko naman na wala silang ganun kababa na bahay, exclusive subdivision ito.


"Naku mam, baka pwede po kahit 20 thousand sana" sagot nya


"Naku di kaya eh, nagpapadala pa ako ng pang gastos ng mga anak ko, single parent ako eh." paliwanag ko sa kanya


"Ala, wag mo ng intindihin ang ipapadala sa mga bata, kaya na kita tulungan kung pambaon at pagkain lang din nila iniisip mo, mas maganda na ang may sarili kayong bahay" eto na naman si mader, ipipilit talaga ang gusto.


"Mam Sarah yung lote pala ng kaibigan nyo, hindi na naituloy, Baka magustuhan ni madam yun" sus, nag alok na naman si Lovey the agent.


"Pwede makita? malapit ga laang iyon sa guard house?" tanong ni mama.
Isa pa itong maatat eh.


Sumakay muli kami sa Innova kasama si Lovey at pinuntahan ang sinasabing lote.


Corner lot, retiree from US ang katabi. Maayos ang nasa likod bahay, lawyer ata, hindi ko na inintindi ang iba pang sinasabi ni Lovey since di naman ako bibili.


"Naku anak, maganda ito ! Gusto ko are eh " hala, si mama, at naging interested pa sa lote.


"Ala mama, saka na yan, aanhin ko ga naman ang bahay eh may natitirahan pa naman tayo?" nakasimangot na ako.
"mare investment yan" isa pa itong si mareng Sarah, nakiki ride on pa kay mader eh.


"Mama 4:00pm na, mamimili pa tayo ah" yaya ko na sa kanila


"Daan po muna tayo sa office, para ma kwenta kung magkano at kung anong model ng bahay ang pwede dito" di talaga papigil si Lovey.


Di na lang ako umiimik sa sasakyan, nagku kwentuhan sila about sa subdivision habang binabagtas namin ang daan papunta sa office ng Developer.


Nakita ko ang mga print out ng floor plans ng bahay na pwedeng itayo.
2 lang ang pwede namin pagpilian, Athena or Alexandra model.


Maganda ang Athena, yun daw ang new model nila na ire release ngayong 2015.
Pero ang presyo nito ay 5.5 Million pesos sa cash. Ang Alexandra naman ay nasa 4.5 million, after discount ay papatak ng 4.4 million


Ayoko mapahiya sa harapan ni Lovey at mareng Sarah, tumatakbo ang oras, gagabihin kami sa pag uwi kaya't nagpaubaya na ako sa diskusyunan nila.


"Alexandra  na lang, 3 room sa taas at 1 sa baba para pag tumanda si mama eh di mahirapan " pagbibiro ko pa


Wala akong kamalay-malay na kino compute na pala ng mga taga office ang monthly.


"Madam eto po, 850,000 ang equity. bale  68,750 for 12 months ang babayadan nyo then saka sisimulan ang construction after full payment ng equity" iniabot sa akin ng taga office ng developer ang isang piraso ng papel na may computation.


"Nyak, ang laki, saka di ko naman kelangan pa patayuan ng bahay eh. wala naman titira pa" paliwanag ko.


"Paki compute mo sa 24 months, since yung property naman eh kaibigan ni mam Sarah, may naihulog na sya dun bago na forfeit" pakiusap ni Lovey sa taga opisina.


Nag compute muli ang babae, iniabot sa akin ang panibagong papel.


"Ayan ho, 34,375 ang monthly kapag 24 months to pay ho ." ani nito,


"Ayan kakayanin mo na yan anak, wag kang mag alala, mas maganda na ang may hinuhulugan ka na magiging iyo pagdating ng panahon kesa napupunta sa wala ang kinikita mo" pangungumbinsi ni mama.


"Ok sige, next month na ako magpapadala. O sya tara na at hahapunin tayo" yaya ko sa kanila


"Mam need na po ng reservation ngayon. 25 thousand pesos po" paalala ng taga opisina.


"Aba, eh san naman ako kukuha ng 25 thousand sa oras na ito eh magkakape lang naman kami sa SM at bibili ng damit ko pampasok sa office. Wala akong ganyan kalaki. Pag sahod ko pa this month" mahaba kong paliwanag.


"Naku madam, need po talaga kahit cheque po. Hindi po namin maire reserve sa inyo ang property kapag may iba na nakagusto. Madami na po nagtatanong ng corner lot at yun na lang ho ang nag iisa na malapit sa gate " paliwanag ng taga office ng Developer.


"Sarado na ang banko eh, mag a alas- singko na. Pwede gang sa lunes na magbigay?" tanong ni mama


"OO nga sa lunes na, aalis na ako bukas e" pero ang totoo, ayoko talaga bumili ng house and lot. Gusto kong kausapin muna si mama pag uwi sa bahay at ipaliwanag sa kanya na ayoko. Na hindi ko kakayanin maghulog ng ganun kalaki.


"Mare may cash ako sa bahay, papahiram ko na muna tapos sa monday na lang ibalik sa akin ni mama Ida" offer ni mareng Sarah


"O sige, sa lunes ng umaga ibabalik ko sa iyo pagkabukas na pagkabukas ng banko" at nakiayon naman si mama.


Napakabilis ng mga pangyayari. Tinawagan ni mareng Sarah si mama Neng, kasama nito sa bahay, at iniutos na bigyan ng 25 thousand pesos ang driver para dalhin sa office ng developer ng subdivision kung saan kami ay naghihintay.


Namalayan ko na lamang na pumipirma na ako sa contract, di makapaniwala na ang planong pagkakape ay mauuwi sa pagbili ng bahay at lupa.

at dito na nga nagsisimula ang aking kwento:

                                                Kubo ng OFW   

Translate